Sa panulat ni Gina T. Laude
(Ang kwentong ito ay likhang isip lamang ng may akda. Anumang pagkakatulad sa sa pangalan ng tauhan, lugar, at pangyayari ay hindi sinasadya)
Maaliwalas ang araw na iyon.Sa
kabila ng matutulis na sikat ng araw ay presko pa rin ang bakuran na binalot ng
mga berdeng halaman. “Haay, sarap maligo”, sambit ng naroon habang nagapahinga sa ilalim ng puno ng mangga.
Puno na ng pawis ang kanyang damit. Malimit ito ang nangyayari sa maluwag na
bakurang punong-puno ng sigla dala ng mga nakangiting mga makukulay na
bulaklak, kumikislap na ngiti ng mga hinog na bunga ng mangga na sinasabayan pa
ng mga tugtugin mula sa mga maliit na ibon na naglalaro. Biglang napatanaw sa
malayo ang maamong mukha ng batang babae. Di na namamalayan ni Jennifer na tumutulo na pala ang
mga butil ng luha sa kanyang maamong pisngi. Naalala na naman niya ang kanyang ina, kahit limang
taon na itong sumakabilang buhay ay palagi pa rin niya itong
naiisip ang mga bilin at paalala
nito sa kanya.
“Jennifer halika na rito at ng makapag-almusal kana. Sige ka mahuhuli
ka sa klase mo mamaya, papagalitan ka na naman”, tawag
ng kanyang Lolo Pancho. Para sa bata si Lolo Pancho na siguro ang maituturing
niyang pinaka importanteng tao sa buhay niya. Simula nang mamatay ang kanyang
ina ito na ang nag-aruga at tumayong ama’t ina sa
kanya.
Doon pa lang bumalik ang kamalayan ng batang babae.
Dali-dali niyang dinampot ang paborito niyang bola ng volleyball at pumasok na
sa loob ng bahay para maghanda sa pagpasok. Pagkatapos niyang kumain at
magbihis ay bumaba na siya ng bahay at nagpaalam sa kanyang lolo. Humalik pa
siya sa matanda bago tuluyang umalis.
“Mag-ingat kang bata ka
ha, ang baon mo ay nandyan na sa loob ng bag mo”, sigaw
ng kanyang lolo. Isang ngiti ang naging tugon niya sa kanyang pinakamamahal na
Lolo Pancho. Napansin niyang nangangayat na ito. Matagal-tagal na rin ang
dinadamdam nitong ubo.
“Hi Jennifer, tamlay mo
yata ah. May problema ka ba?”, bati ni Melissa. Ito ang
tinuturing niyang matalik na kaibigan. Nagkilala sila ng sumali siya sa
Volleyball team ng kanilang paaralan. Ito ang unang naging mapalapit sa kanya. “Praktis tayo mamaya sabi ni coach”, dagdag ng kanyang kaibigan.
“Wala naman bestfriend, iniisip ko
lang ang kalagayan ng lolo ko”, sagot nito.
Biglang tumunog ang bell at nagpaalaman na
ang dalawa. Naabutan niyang nagkakagulo ang buong klase ng pumasok siya. Wala
pa kasi ang kanilang guro.
“Good morning class”, bati ng isang pamilyar na boses. Napalingon ang lahat at
nagsibalikan sa kanilang mga upuan. Isang matunog na sagot na pagbati ang
kanilang tinugon at biglang tumahimik ang lugar na kani-kanina lang ay para
itong bintahan ng ukay-ukay sa palengke.
Isang mahiwagang tingin ang pinakawalan ni
Ginoong Vicera sa klase. “Ngayong umaga ay
malalaman na ninyo kung sinu-sino ang paparangalan sa darating na pagtatapos”, wika ng guro.
Matunog na palakpakan ang umingay ulit sa
silid na iyon. Si Jennifer na naka-upo sa tabi ng bintana ay nakatingin sa
labas at parang walang paki sa nangyayari.
“Aray! anu ba?”, hikbi ng bata ng tapikin siya ng sunud-sunod ng kanyang mga
kaklase.
“Jenny congrats!”, wika nila na nag pabalik ng kamalayan ng bata. Siya ang First
Honors ng klase, doon lang bumalik ang kanyang ulirat sa kabiglaan.
Nasa kalayuan ay natatanaw na niya ang kanilang bahay.
Punong-puno ng kasiyahan ang kanyang puso habang dala-dala ang mabuting balita
sa kanyang lolo. Sa isip niya na umaakyat sila ng entablado ng kanyang lolo at
isukbit sa kanya ang gintong medalya.
“Yayakapin ko ng mahigpit si lolo”, sabi niya sa sarili habang nakangiti. “Bat
ang daming tao sa bahay? bat andon si Kapitan? Sunud-sunod na tanong niya sa
sarili. Nakadama siya ng matinding nginig sa katawan. Parang di niya naihakbang
ang dalawang paa.
Natagpuan
ni Jenny ang kanyang sarili sa panghuling hakbang ng hagdan. Nanginginig ang
kanyang katawan habang pilit na minamasdan ang mukha ng kanyang lolo.
Nakatiklop na ang mga mata ngunit waring nakangiti pa ito. Bigla siyang
nakaramdam ng yakap. May binulong ito. “Ipagpatuloy mo iha ang mga nasimulan mo, nandito lang ako
nagbabantay sa'yo”.
“Madam Jenny, andito na po ang
kasosyo ninyong nagmula sa Japan. Magsisimula na po ang inyong business meeting”,
tawag ng kanyang sekretarya. Nakatanaw pa rin siya sa bintana ng kanyang 115th
floor na opisina habang hawak ang kanyang paboritong laruan. Sinasariwa ang
lahat , dalawampung taon ng nakalilipas.#
PhotoCredit: http://www.google.com.ph